TOTOO talaga ang kasabihan ng matatanda na, ‘ang pag-aasawa ay hindi katulad ng mainit na kanin na kapag isinubo mo at napaso ka ay puwede mong iluwa.’

annulment1

May isa pang kasabihan, ‘madaling magpakasal, mahirap magpa-annul dahil bukod sa magastos at napakaraming proseso.’

Ito ang buod ng kuwento ng pelikulang The Annulment na palabas ngayong araw, Miyerkoles, handog ng Regal Films na idinirihe ni Mac Alejandre na sina Joem Bascon at Lovi Poe ang pangunahing bida.

Na love at first sight si Joem kay Lovi na anak mayaman na nakilala niya sa party kung saan rumaket siya bilang waiter sa catering services.

Nagkagustuhan ang dalawa hanggang sa nagpakasal dahil sobrang in-love sa isa’t isa, pero wala sa panahon dahil financially ay hindi pa handa si Joem pero tinanggap iyon ni Lovi.

Sa limang taong taong pagsasama bilang mag-asawa ay ipinakitang mahina at walang ambisyon sa buhay si Joem pero tinitiis ni Lovi dahil mahal nga niya.

Ang pagkakamali ni Joem, nagawa pa niyang mangaliwa kaya dito na bumigay si Lovi, isang pagkakamali ay hindi na niya binigyan ng chance na mabuo ang pagsasama nila dahil nag-file na siya ng annulment.

Nagandahan kami sa kuwento at kung paano ipinakita sa pelikula ang hirap ng pinagdadaanan ng mag-asawang gustong maghiwalay o asawang gustong hiwalayan ang asawa lalo’t hindi naman payag ang isa.

Sa parte ni Joem ay siya ang may kasalanan ng lahat kaya sa huli ay pumayag na siyang mapawalang bisa ang kasal nila.

Sa nakaraang presscon ng The Annulment, pinag-usapan ang tungkol sa maiinit na love scenes nina Joem at Lovi na totoo naman talaga, sa banyo na napaka-passionate, sa kusina, kuwarto at sa swimming pool. Kaya naman panay ang hiyawan ng mga nanonod sa mga nasabing eksena.

Kunwari ni-rape ni Joem ang asawa at pumayag si Lovi kaya naging wild ang sex nila, nahuli ng mga mata naming natatawa ang aktor sa ginagawa nila ng aktres kaya tama ang sabi ng aktres na may mga eksenang natawa sila pero tuloy-tuloy ang halikan nilang dalawa at nagpakita ng butt ang binata.

Inakala ni Joem na okay na sila ng asawa at nagpasalamat siya, pero ang sinagot sa kanya, “sex lang ‘yun, we both need it. Sa baba na ako matutulog” at naiwang nakatulala ang lalaki.

Pagkatapos naman ng pelikula ay nagbiro si Joem, “alam ko sa mga nakapanood, ang matatandaan ninyo ay ang butt ko, maraming salamat dahil nagustuhan ninyo.”

Anyway, curious kami kung anong rating ang ibibigay ng MTRCB sa The Annulment dahil sa maiinit na eksena.

Samantala, ang glossy ng pelikula, pati shots at anggulo ni direk Mac napa-wow ang lahat at klaro ang lahat ng maliliit na detalye.

Bagay ang pelikula sa mga mag-asawa, sa may mga pinagdadaanang relasyon. At para naman sa mga nagbabalak magpakasal, panoorin muna ninyo ang The Annulment para may tips kayo kung itutuloy n’yo pa ang pag-aasawa o mas magandang magsama muna para makilalang maigi ang isa’t isa.

-REGGEE BONOAN

Source: Balita.net.ph