
IBINUHOS ng Davao Occidental Cocolife Tigers ang todong bangis upang lapain ang Mindoro Tamaraws,99-84, sa road game victory sa ikalawang ikot ng eliminasyon ng Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Cup kamakalawa sa Batangas State University.
Galing sa nakapanlulumong upset sa kanilang home court sa Davao City sa kamay ng dayong Valenzuela, sumisingasing ang Tigers ni team owner Dumper Party List Rep.Claudine Bautista sa ayuda nina Cocolife President Atty.Jose Martin Loon,FVP Joseph Ronquillo,AVP Rowena Asnan at SVP Franz Joie Araque, upang di na papormahin ang Tamaraws mula pagsambulat pa lang ng bakbakan sa unang yugto.
Muling namuno si King Tiger Mark Yes sa pagpatumba sa Tamaraws sa pagtala ng ika-33 double-double performance upang manatiling nasa ituktok ng team standing ang Davao Cocolife (16-3)sa South Division ng ligang inorganisa ni Senator Manny Pacwuiao.
Nagsanib-puwersa din sa opensa ang Tigers na sina veteran Bonbon Custodio Billy Robles at depensa ni Bogs Raymundo sa kabilang dulo upang umagwat agad ang Davao at iposte ang double-digit na kalamangan sa first quarter 22-12 na tinampukan ng step back trey ni Joseph Terso sa huling tatlong segundo ng yugto at tuluy-tuloy ang winning offense ng Tigers hanggang sa final buzzer.
“Our Tigers made sure to bounce back and continue our winning tradition.Focus lang sa game at isantabi na ang upset defeat namin sa home court sa Davao,” pahayag ni Davao Cocolife Tigers team manager Dinko Bautista na personal na umaagapay sa kanilang players mula ensayo hanggang aktwal na bakbakan katuwang si deputy manager Ray Alao.
Muling inilatag ni coach Don Dulay ang trademark niyang run and gun- game upang mabitag ang Tamaraws na pinamumunuan ni Richie Rivero.
Source: Balita.net.ph
0 Mga Komento