
HUMIRIT ang Far Eastern University at nagawang masuwag ng Lady Tamaraws ang Adamson Lady Falcons, 79-73, nitong Linggo para makausad sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Stepladder semis sa Smart Araneta Coliseum.
Naitala ni Choy Bahuyan ang krusyal na opensa sa huling 14 segundo para mailayo ang Lady Tams sa dikitang laban.
“Yung last shot namin, wala na, um-adlib na siya, para siyang si Dolphy. Good job siya doon,” pahayag ni coach Bert Flores.
“Ginusto namin eh!. May sense of urgency kami kanina dahil ayaw naming matalo,” aniya.
Nagsalansan si Bahuyan ng 11 puntos sa final canto, bukod sa 13 rebounds, apat na assists, at dalawang steals para maisaayos ng FEU ang duwelo laban sa No.2 seed University of Santo Tomas.
Tangan ng Golden Tigresses ang twice-to-beat advantage kung kaya’t higit pa rito ang kailangang bunuin ng Lady Tamaraws sa Miyerkoles.
Nanguna si Val Mamaril sa FEU sa naiskor na 22 puntos, anim na rebounds, anim na assists, at tatlong steals, habang kumana si Clare Castro ng 18 puntos, 17 boards, at apat na blocks, at tumipa si Fatima Quiapo ng 15 puntos, 12 rebounds, anim na assists, at dlawang steals.
“Sinabi ko sa kanila na hindi all the time, para kayong robot. Kailangan gumawa rin siya ng paraan,” sambit ni lores.
Hataw si Mar Prado sa Lady Falcons na may 34 puntos at 10 rebounds.
-Marivic Awitan
Iskor:
FEU (79) — Mamaril 22, Castro 18, Quiapo 15, Bahuyan 11, Jumuad 5, Adriano 3, Antiola 3, Delos Santos 2, Abat 0, Payadon 0, Vidal 0.
ADU (73) — Prado 34, Anticamara 15, Araja 9, Bilbao 5, Ornopia 4, Dampios 3, Flor 2, Mendoza 1, Catulong 0.
Quarterscores: 21-12, 40-29, 57-51, 79-73.
Source: Balita.net.ph
0 Mga Komento