SAN ANTONIO (AP) – Nagsalansan si Anthony Davis ng 25 puntos at 11 rebounds, habang kumana ng triple-double si LeBron James — 21 puntos, 13 assists at 11 rebounds – sa panalo ng Los Angeles Lakers kontra San Antonio Spurs, 103-96, nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Ito ang ikalawang sunod na triple-double performance ni James matapos magtala ng impresibong numero nitong Biyernes (Huwebes sa Manila) sa panalo kontra Dallas Mavericks sa overtime.

Nag-ambag si Dwight Howard ng 14 puntos at 13 rebounds para sandigan ang Lakers sa 5-1 karta.

Nanguna si Dejounte Murray sa Spurs na may 18 puntos at 11 rebounds, habang tumipa sina Rudy Gay at DeMar DeRozan ng 16 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa San Antonio (4-2).

Nadaig ng Lakers ang Spurs 30-18 sa second quarter, tampok ang alley-oop kay Howard mula sa 3-point line assist ni Davis.

Nakadikit ang Spurs sa 77-72 mula sa 37-footer jumper ni Gay sa pagtatapos ng quarter at 87-85 sa kalagitnaan ng final period.

Naitabla ng Spurs ang iskor sa 90-all mula sa drive ni James may 4:10 sa laro.

KINGS 113, KNICKS 92

Sa New York, pinaluhod ng Sacramento Kings, sa pangunguna ni De’Aaron Fox na may 24 puntos, ang New York Knicks para sa ikalawang sunod na panalo.

Kumana rin si Buddy Hield na may 22 puntos, habang tumipa si Harrison Barnes ng 19 puntos at tumipa si Richaun Holmes ng 14 puntos at 10 rebounds para sa Kings.

Dominante ang Sacramento na humirit sa pinakamalaking 32 puntos na bentahe sa pagsisimula ng kanilang three-game road trip. Nag-ambag si Nemanja Bjelica ng 10 puntos, walong rebounds at anim na assists.

Nanguna si Marcus Morris sa Knights na may 28 puntos, ngunit nabigo siyang sandigan ang karibal bumagsak sa 1-6, habang umiskor si rookie RJ Barrett ng 22 puntos.

HEAT 129, ROCKETS 100

Sa Miami, naglagablab ang opensa ng Heat para tupukin at pasabugin ang Houston Rockets.

Kumana sina Duncan Robinson ng 23 puntos at Meyers Leonard na may 21 puntos para akayin ang Heat sa pinakamalaking 41 puntos na bentahe tuingo sa dominanteng panalo.

Kumasa si Jimmy Butler na may 18 puntos at siyam na assists, habang umiskor si James Johnson ng 17 puntos sa kanyang season debut sa Miami (5-1).

Nanguna si James Harden sa Houston na may 29 puntos, habang nalimitahan si Russell Westbrook sa 10 puntos.

Nag-ambag si Goran Dragic ng 15 puntos at tumipa sina Tyler Herro ng 12 puntos.

Sa iba pang laro, ginapi ng short-handed Indiana Pacers ang Chicago Bulls, 108-95.

Source: Balita.net.ph