ISANG buwan bago ang pinakaabangang hosting ng bansa ng 30th Southeast Asian Games, (SEA Games), hindi lamang ang mga atleta at mga sports officials ang abala para sa paghahanda dito kundi pati na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA).

Inamin ng pamunuan ng MMDA na isang malaking hamon sa trapiko ang event na magaganap ngayong darating na Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, kasabay ng pagdiriwang ng kapaskuhan ng mga Pinoy.

Karamihan ng laro ay gaganapin sa Maynila, gaya ng basketball., volleyball, gymnastics, taekwondo, karate at iba pang contact sports, bukod pa sa mga lugar na titirahan ng mga delegasyon na kalahok.

“There will be a lot of events tobe held in Metro Manila aside from the fact that all billeting spaces of the contingent will be here in Metro Manila. The movements of the athletes and the VIPs are very critical and crucial during those times,” pahayag ng MMDA chief na si Bong Nebrija sa isang panayam sa kanya.

Ayon kay Nebrija, 15 hanggang 20 porsyento sasakyan ang tiyak na madaragdag sa lansangan, lalo pa nga at kasabay nito ang tinatawag na “Christmas Rush” , bukod pa sa pagsabay ng mga bisitang darating sa bansa para sa biennial meet.

Siniguro naman ni Nebrija na handa silang asistihan at tulungan ang mga atleta at mga VIPs na lilibot sa Kalakhang Maynila sa panahon ng nasabing 11-nation meet.

“Our deployment will also be full for the SEA Games,” pahayag pa ni Nebrija.

-Annie Abad

Source: Balita.net.ph