TULOY ang pagwawagi ng Filipino candidates sa pageant abroad, matapos itanghal na 2nd runner-up ang 19-ayos na estudyante sa Mister Grand International 2019, na idinaos sa Myanmar nitong Linggo ng gabi.

Paolo

Isa si Paolo Gallardo, ng San Fernando, La Union sa tatlong Asian candidates na pumasok sa top 5 ng kompetisyon na nagsusulong ng sports at malusog na pamumuhay.

Si Mister Vietnam ang kinoronahang Mister Grand International 2019. Habang wagi rin sina Brazil,1st runner-up; Thailand, 3rd runner-up; at Puerto Rico, 4th runner-up.

Nakuha ni Paolo ang atensyon ng pageant fans sa kanyang kuwento ng katapangan at survival matapos masawi ang kanyang ina at mga kapatid sa isang sunog sa kasagsagan ng Bagong Taon, siyam na taong gulang pa lamang siya. Habang ang kanyang ama ay dinapuan naman ng cancer.

Ang matinding mga pagsubok na ito, aniya, ang nagturo sa kanya upang maging malakas at maging independent. Sa edad na 16, lumabas sa fashion scene si Paolo nang magwagi siya bilang Mister Boardwalk noong 2016.

Ngayong taon lamang, kinoronahan siyang Mister Ilocos 2019. Hinikayat naman siya ng kanyang mga kaibigan na sumali sa Mister Grand International Philippines 2019 kung saan niya nakuha ang titulo nitong Setyembre.

Si Paolo ay kasalukuyang senior sa La Union National High School. Na nais kumuha ng kursong computer engineering sa college.

Isinusulong naman ng teen king ang “love for children” bilang resulta ng nalampasan niyang trahedya sa buhay.

“I am a survivor of life. I am a survivor at the age of 10. The unfortunate events in my life made me stronger. So let’s give the children a place in our hearts,” pahayag ni Paolo.

-ROBERT R. REQUINTINA

Source: Balita.net.ph