UNLIKE noong mga naunang seasons, wala nang masyadong ingay ang The Voice Kids.
Katunayan, inakala naming magsisimula lang ang kasalukuyang season nang lumitaw sa timeline ng Facebook account ng inyong abang lingkod na may nangangampanya kay Carmelle Collado.
Nag-trending si Carmelle sa timeline namin dahil Bicolana pala siya, karamihan kasi sa FB friends ko kababayan namin. Nag-post kami ng: “May The Voice Kids pala uli?”
Sa mga sumagot namin nalaman na grand finals na pala. Natuklasan din namin kalaunan na kanya-kanya nang kampanyahan ang bawat region na pinanggalingan ng finalists.
May kumumbinsi sa amin na suportahan si Carmelle, pero clueless naman kami kung sino at kung ano ang kakayahan niya.
Kahit kababayan, hindi kami basta-basta na lang sumusuporta kung hindi pa namin nakakausap o nakikilala o nakitaan ng pruweba o napapanood man lang.
May FB friend kaming teacher sa Sipocot, Camarines Sur, hometown ni Carmelle, na nakakakilala sa kanya na nagpadala sa amin ng kumpletong impormasyon tungkol sa pambato ng Bicol. Saka lang kami nakumbinsi na worth it ikampanya ang bagets.
Ilang oras bago in-announce ang champion, sinusulat namin ito. Hindi na makakatulong sa botohan, pero manalo-matalo, ngayong may idea na kami sa pagkatao at kahusayan ni Carmelle, susuportahan namin ang career niya.
Naririto ang ipinadala ni Teacher Jay Dee (John Dee) sa amin:“Sino nga ba si CARMELLE COLLADO?
Si Carmelle ay nag-iisang anak nina Mr. Bryan Benepayo Collado at Neneth (Nanie) San juan Collado na nagmula sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur.
Ang kanyang ina ay housewife at ang kanyang ama ay isang Agriculturist 1 sa LGU Sipocot.
Si Carmelle ay 12 taong gulang na nasa Grade 7 sa King Thomas Learning Academy.
Parehas malaking pamilya ang pinagmulan ni Carmelle, ang kanyang Lola Gloria Pedrosa (mother side) ay mula sa Sorsogon at ang kanyang Lolo Domingo San Juan (mother side) ay mula sa bayan ng Buhi.
Ang kanyang ama ay mula mismo sa Sipocot, at ang kanyang lola (father side) ay mula sa Polangui, Albay ang kanyang lolo (father side) ay mula naman sa Cavite/ Sipocot.
Ang angkan ng kanyang ina ang mga musikero, ito ang pinagmulan ng kanyang talento. Mag mula sa lolo at lola, lahat sila ay mang-aawit.
Napakatalentong bata, mahusay umawit at napakahusay ding mananayaw.
Sa murang edad ay napakarami na niyang achievements sa buhay, tulad ng pagiging SPG president, consistent high honor student, majorette leader, echomusic warrior, GSP division champion, Cultural Queen champion, Dalan sa Kalangitan (amateur singing contest sa Naga) grand champion, Gawad Tagumpay Kabataan awardee, Songbird of the Year division champion, Dancer of the Year, WCOPA multi-gold medalist na ginanap sa California. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng WCOPA Team Philippines, lahat ng (7) entry ng isang contender ay nakakuha ng gintong medalya.
Ngayon ay isa sa pinakamalaking achievement niya na makarating sa semi-final ng The Voice Kids season 4 under Team Bamboo.
Pero sa kabila ng lahat ng mga narating niya ay nananatili siyang humble at kailanman ay hindi nagmalaki.
Kaakibat ng tagumpay niya ang panghuhusga ng ibang tao pero ni minsan ay hindi ito naging dahilan ng kanyang pagsuko kundi naging lakas pa niya para tuparin ang kanyang pangarap.Ngayon na malapit niyang makamit ang kanyang pangarap kailangan niya ang ating suporta.Mga Sipocotenio! Bicolano! Pilipino!Supportahan natin si Carmelle sa kanyang laban upang hiranging GRAND WINNER sa TVK Season 4!”
-DINDO M. BALARES
Source: Balita.net.ph
0 Mga Komento