
DALAWANG linggo bago ang pinakaaabangang 30th Southeast Asian Games (SEAG), at makukumpleto na ang skateboarding competition venue na ginagawa sa Tagaytay.
Mismong si Skateboarding and Roller Sport Association of the Philippines (SRSAPI )President na si Monty Mendigoria ang nagkumpirma na ang lugar ay nagagamit na di ng koponan sa pag-eensayo.
Ito ay tamang-tama lamang sa pagdating nina Margie Didal, Kiko Francisco at ng coach na si Daniel Bautista buhat sa Rio de Janeiro, Brazil upang masimulan ang kanilang ensayo sa nasabing lugar.
Kasunod nito ay darating din ang Fil-Am na si Cristiana Means buhat sa Oregon, USA upang paghandaan ang preparasyon ng koponan para sa nasabing biennial meet.
Ito ang unang pagkakataon ng lalaruin ang Skateboarding sa SEA Games, gayundin sa 2020 Tokyo Olympics.
Ang iba pang miyembro ng national team para sa skateboarding ay sina Jefrrey Gonzales, na nagsanay rin buhat sa ibang bansa, kasama sina Jaime Delange at Abigail Veloria para sa downhill skateboarding team.
Magaganap ang kompetisyon ng skateboarding sa Disyembre 3 hanggang 8 kung saan ay may nakatayang walong gintong medalya sa apat na events gaya nga Park, Street, Game of Skate at downhill.
Kumpiyansa si Mendigoria na kayang walisin ng koponan ang mga events sa naturang 11-nation meet gayung buo ang suporta na nakukuha ng koponan para sa kanilang preparasyon buhat sa Philippine Sports Commission (PSC).
Kabilang naman sa mga bansang makakalaban ng Pilipinas sa nasabing sport ay ang Indonesia, Thailand, Myanmar, Malaysia, Singapore at Vietnam.
Nakatakdang magsidatingan ang mga nasabing bansa sa Nobyembre 28 at 29.
-Annie Abad
Source: Balita.net.ph
0 Mga Komento