
MAGSISILBING inspirasyon ng mga batang atleta ang mga Pinoy sports icon sa gaganaping Team Philippines Send-Off ng Bayan ngayon sa bagong gawang Ninoy Aquino Stadium.
Tampok sina Atlanta Olympics boxing silver medalist Mansueto “Onyok’’ Velasco Jr. at 1988 Seoul Olympic brone winner Leopoldo Serrantes, Bowling hall of famers Paeng Nepomuceno at Bong Coo gayundin sina Asia’s first chess grandmaster Eugene Torre, Track and field icons na sina Lydia De Vega-Mercado at si Elma Muros-Posadas sa mga sports legend na magbibigay inspirasyon para sa 1,115 atletang Pinoy na sasabak sa 56 sports sa biennial meet.
Ang nasabing send-off ay pangungunahan ni Team Philippines Chef de Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez kung saan kasama ang ilang sports officials gaya nina Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino at si House Speaker and Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chairman Alan Peter Cayetano ang siyang magtitipon para sa mga atleta kasama din ang mga Filipino paralympic athletes, para sa kampanya ng Pilipinas.
“Our athletes are the heart and soul of the country’s campaign in the Olympics. With the all-out support of the government, I’m positive that our athletes will deliver,” pahayag ni Ramirez.
Imbitado rin sa nasabing send-off sina Senator Bong Go, Chairman ng Senate Committee on Sports, gayundin si Manila City Mayor na Isko Moreno.
Magiging panauhin upang magbigay ng aliw sa pamamagitan ng musika si Bamboo, gayundin ang banda na Johnny Cross na siyang kakanta ng official them song ng SEA Games na Pilipinas, kasama din ang mga bandang The Juans at ang Silent Sanctuary.
Inaasahan na hahakot ng gintong medalya ang Pilipinas sa mga sports na taekwondo, boxing, karatedo, judo, jiu-jitsu, kickboxing, arnis, wushu, wrestling at muay.
Tiwala rin ang mga opisyal na makakahirit ang Pinoy sa athletics, aquatics, billiards, chess, dancesport, triathlon, traditional boat race, weightlifting, golf at ang mga team sports na basketball, softball, baseball, ice hockey at rugby.
-Annie Abad
Source: Balita.net.ph
0 Mga Komento