NAKAHIRIT ng do-or-die game ang Adamson University matapos burahin ang twice-to-beat-advantage ng University of Santo Tomas sa pamamagitan ng 22-25, 25-23, 25-16, 25-20 paggapi sa huli sa kanilang UAAP Season 82 Girls’ Volleyball Stepladder Semifinals match noong Linggo sa Blue Eagle Gym.

Nagtala si Kate Santiago ng 13 puntos kasunod si Rochelle Lalongisip na may 10 puntos bukod pa sa 19 digs upang pamunuan ang nasabing panalo ng Baby Lady Falcons.

Ito na ang ikalawang sunod na pagkakataon na nalusutan ng Adamson ang kanilang do-or-die match kasunod ng panalo nila noong Miyerkules sa unang laro sa stepladder semis kontra La Salle Zobel, 25-20, 25-21, 25-14.

Nanguna naman si Renee Peñafiel para sa natalong Junior Tigresses sa ipinoste nitong 12 puntos.

Sa boys division, ganito din ang nangyari sa defending champion National University-Nazareth School at University of Santo Tomas makaraang manaig sa kanilang mga katunggali.

Winalis ng Bullpups ang second-ranked University of the East, 25-19, 25-18, 25-22, habang tinalo ng Junior Tiger Spikers ang topseed Far Eastern University-Diliman, 25-20, 20-25, 26-24, 25-22.

Magaganap ang tatlong do-or-die matches sa Miyerkules sa Paco Arena.

Namuno si Arvin Bandola para sa NU sa iniskor nitong 13 puntos, 2 blocks at 14 receptions kasunod si Michael Fortuna na may 12 puntos at 10 digs.

“Ito na ‘yung hinihintay ko. Bumalik na ‘yung tiwala nila sa isa’t isa, [while] at the same time, napaghandaan talaga namin ito. Wala kaming bakasyon,;even All Saints’ Day, nag-ensayo kami. Malaking bagay ‘yung effort na ginawa namin,” sambit ni Bullpups coach Edgar Barroga.

Nanguna naman si Angelo Reyes para sa Junior Warriors sa ipinoste nitong 8 puntos. Bumida naman sina team captain Rey De Vega para sa UST sa itinala nyang 20 puntos, kasama si CJ Segui na nag-deliver ng all-around game na 12 puntos, 27 receptions at 10 digs.

Bagamat nabura ang twice-to-beat advantage ng kanilang katunggali, batid ng Junior Tiger Spikers na hindi ganun kadali susuko ang Baby Tamaraws.

“Babalik at babalik sigurado ang FEU kasi number one team ‘yan. But tulad ng last game namin, ‘yung resiliency ng mga bata nandoon, hindi nawala,” ani UST assistant coach John Abella.

Nanguna naman si Jerold Talisayan na nagtala ng 13 puntos para sa Baby Tamaraws na nakagawa ng 37 errors.

-Marivic Awitan

Source: Balita.net.ph