
KUWENTO ni Direk Crisanto B. Aquino nang humarap sa entertainment media last Monday, overwhelmed at halos hindi siya makapaniwala na napili at napahanay ang kanyang pelikulang Write About Love sa pitong iba pang official entries sa Metro Manila Film Festival 2019.
Pero sa look at emotional ambiance pa lang ng trailer, may posibilidad na maging box office hit ang Write About Love.Walang asta kumpara sa ibang filmmakers at napaka-humble lang talaga ni Direk Cris, na isa pang factor para humakot ng maraming supporters ang pelikula, kaya ganito ang pahayag niya.
Pero sa makinis na cinematography, presko sa matang pag-iilaw at suwabeng music at sounds ng trailer pa lang, mahusay siya. Medyo nanghahagilap pa ng self-confidence sa harap ng media si Direk Cris pero hindi siya baguhan sa filmmaking. Matagal siyang naging assistant director ng mahuhusay na sina Chito Roño, Jerrold Tarog at iba pa.Para pagtiwalaan ng TBA Studios na gawin niya sa kanila ang kanyang unang directorial job at hinayaan pumili ng mga bidang gusto niya, hindi siya pipitsugin.
Pinatatakbo nina Fernando “Nando” Ortigas as chairman, Eduardo “Ed” Rocha as CEO at Vincent “Ting” Nebrida as president, kilala na ng moviegoing public ang TBA Studios bilang production na pawang de-kalidad at may social conscience ang pelikulang inilalabas.
Gumawa ng sariling kasaysayan sa box office ang kanilang historical epic na Heneral Luna. Sinundan ito ng Goyo: Ang Batang Heneral at nakahanda na rin ang production ng Manuel Quezon, ang ikatlo sa trilogy tungkol sa magigiting na founding fathers ng Pilipinas.
Inaabangan ng mga manonood na maselan ang panlasa sa pelikula ang mga produkto nila. Ngayon, nag-tweak ng konti ang TBA sa Write About Love bida si Miles Ocampo (na personal choice na niya habang isinusulat pa lang ang script) at sina Rocco Nacino, Joem Bascon at Yeng Constantino na pawang sumailalim sa audition.
Malaki ang bilib ni Direk Cris kay Miles bilang aktres. Pinili niya itong gumanap sa role bilang writer dahil alam niyang nagsusulat talaga ang dalaga. (Abangan ang item namin kay Miles na maiinterbyu pa lang namin sa Lunes.)Revelation naman kay Direk Cris si Yeng.
“Parang hindi siya nagdadrama, para lang siyang nandoon mismo sa eksena,” kuwento ni Direk. “Hindi ito ‘yong mga masyadong dramatic na atake sa pag-acting. Yeng is very natural. Nagulat talaga ako. Sobrang nagulat talaga ako kay Yeng. Saka si Yeng, sobra siyang seryosong artista.
Kasi, matanong siya, ‘Direk, tama ba ‘to?’ Alam mo yung sobra siyang willing to learn so many things.”Nag-iisang love story sa MMFF ang Write About Love. Remember, ang may hawak ng record ngayon bilang pelikula na pinakamalaki ang tinabo sa takilya ay ang Hello Love Goodbye nina Kathryn Bernardo at Alden Richards, love story.
Underdog pero exciting abangan kung ano ang magiging reception ng mga manonood sa Write About Love.
“Ang nakikita ko, since marami ang may gusto sa rom-com…. ‘yon ang target, eh, ‘yong mga taong mahilig manood ng love story. Ang magandang offering nito is paano ba talaga ginagawa ang isang love story, ang isang rom-com?”
Pero bagamat magugustuhan ng mahihilig sa rom-com, tiniyak ni Direk Cris na maraming bago at kakaibang mapapanood sa Write About Love.
-DINDO M. BALARES
Source: Balita.net.ph
0 Mga Komento