Dalawang menor de edad ang pumayag na maging testigo sa marahas na pamamaril kina Sonya at Frank Gregorio ng pulis na si Jonel Nuezca.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas, nagsumite na ng affidavit ang dalawang bata, isa dito ay 12-anyos habang 16-anyos naman ang isa pa, para patunayang lehitimo ang kuhang video ng pamamaril na kumalat sa social media.

“Nakumbinsi po namin iyong mga parents at saka guardians ng mga bata na tutulungan kami kapalit ng pag-aalaga namin sa kanilang security. Nag-provide po kami ng security at i-apply po namin sila sa witness protection program,” lahad ni Sinas sa Laging Handa press briefing nitong Huwebes.

“Iyong dalawang bata, iyong 12 at 16 years old ay nakuhanan na po ng consent, nakuhanan na ng affidavit kasama po ang mga magulang at guardians nila. Na-notarize na po ito at binigay na sa prosecutor,” aniya pa.

Hawak na rin ng PNP Cybercrime group ang cellphone na ginamit ng mga bata para makuhanan ang insidente.

The post 12-anyos na nag-video sa Tarlac shooting tetestigo – Sinas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/12-anyos-na-nag-video-sa-tarlac-shooting-tetestigo-sinas/)