Nagbabala ang isang health expert na posibleng bumalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang bansa kung biglang sumirit ang COVID-19 case matapos ang Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay Philippine College of Physicians vice president Dr. Maricar Limpin, may posibilidad na tama ang projection ng OCTA Research at Department of Health na umabot sa 4,000 pataas ang daily COVID-19 case ng Pilipinas dahil sa dami ng lumabas nitong holiday season.

“Maaring pumalo ng 4,000. Nakikita namin ito na mangyayari dahil sa mga nakaraang linggo nakita rin naman kung paano karami at hindi nasunod ang health protocols lalo na ‘yung physical distancing,” lahad ng health expert sa panayam ng dzBB.

Kung ito man ay mangyari, mungkahi ni Limpin na ibalik ang striktong MECQ para maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

“Sa ngayon nasa GCQ (general community quarantine) tayo. Maaring kailangang medyo higpitan nang konti, siguro MECQ para lang po masiguro natin na hindi na dumami pa muli ang mga kaso ng COVID-19 natin,” aniya pa.

Sa ngayon ay tanging Metro Manila, Iloilo CIty, Batangas, Iligan, Lanao del Sur, Davao City, Tacloban at Isabela ang nasa ilalim ng GCQ habang ang natitirang lugar ay nasa mas maluwag na modified GCQ na.

Nitong Biyernes, umabot na sa 467,601 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, 430,791 ang gumaling habang 9,062 ang gumaling.

The post Pag pumalo ng 4K COVID case kada araw: Striktong lockdown ibalik! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-pumalo-ng-4k-covid-case-kada-araw-striktong-lockdown-ibalik/)