Inaasahang magkakaroon muli ng sibakan sa hanay ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bilang bahagi ng pagpapatuloy ng paglilinis sa ahensiya mula sa korapsiyon.

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, sinabi ng Pangulo na kinukumpleto na lamang ng Task Force ang kanilang imbestigasyon para mailarga ang sibakan.

Marami na aniya siyang natanggal na mga opisyal at kawani ng PhilHealth at magtutuloy-tuloy ang paglilinis hanggang sa matiyak na nawala na ang mga gumagawa ng katiwalian.

“Sa PhilHealth, there will be another round of dismissal. Kinukumpleto lang nila yung investigation. Marami na ho akong nasibak,” anang Pangulo.

Sa ibang ahensiya tulad ng Bureau of Customs, sinabi ni Pangulong Duterte na umabot na sa 72 ang mga nasibak sa trabaho.

Sa Bureau of Immigration naman, sinabi ng Presidente na umabot na sa 62 ang mga sinibak at mauubusan na ng trabahante dahil ayaw magpaawat aniya sa paggawa ng katiwalian.

“Sa Immigration 62. Wala ng trabahante, skeletal force na lang because Bureau of Immigration is under the Department of Justice,” dagdag ng Pangulo.

Ang mga sinibak na tauhan at opisyal ng BI ay sangkot umano sa “pastillas scam” sa mga paliparan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan kapalit ang malaking halaga ay pinapapasok sa bansa ang mga Chinese kahit walang kaukulang dokumento ang mga ito. (Aileen Taliping)

The post Round 2 ng sibakan sa PhilHealth ilalarga first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/round-2-ng-sibakan-sa-philhealth-ilalarga/)