Walang impormasyon ang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga nabakunahang sundalong Pinoy.

Sa Laging Handa press briefing sinabi ni AFP Spokesman Gen. Edgard Arevalo na vina-validate pa nila ang naging pahayag nj Pangulong Rodrigo Duterte na nabakunahan na ang ilang sundalo.

Sinabi ni Arevalo na wala pang utos para mabakunahan na ang mga sundalo dahil wala pa namang bakunang inaaprubahan sa bansa.

“Wala pong AFP instruction na inoculation o pagbabakuna sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Given that information patuloy po nating iba-validate yung tungkol diyan sa napabalita na sinabi po ng ating Pangulo,” ani Arevalo.

Ang tanging sinisiguro ng AFP Spokesman ay ang naging pahayag ni Pangulong Duterte na kasama ang mga sundalo sa mga unang mababakunahan bilang frontliners sa sandaling mayroon ng magagamit na bakuna sa bansa.

Nagpapasalamat aniya ang AFP dahil kasama sa listahan ng gobyerno sa mga unang mababakunahan ng mga kawal.

“What we are sure about and we are very thankful for ay ang sinabi ng Pangulo na ang sandatahang lakas ng Pilipinas ay bahagi ng unang bibigyan ng bakuna dahil ang mga miyembro ng AFP ay kasama sa frontliners,” dagdag ni Arevalo.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na posibleng hindi dumaan sa Food and Drugs Administration (FDA) ang bakunang itinurok sa mga sundalo dahil wala pang pharmaceutical company na nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA).

“I suppose dahil wala pa pong naiisyu na EUA, baka hindi pa po dumaan iyan. Pero dahil mayroon naman nagpaturok, siguro naman po ay walang sapilitan iyan at alam naman po ng mga sundalo iyang pinasukan nila,” ani Roque. (Aileen Taliping)

The post Sundalo tinurukan? AFP spox nagtaka sa sey ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sundalo-tinurukan-afp-spox-nagtaka-sa-sey-ni-duterte/)