Pagsusuka at pagtatae ang dahilan kung bakit naospital ang 34 residente ng Barangay Butuan sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Kinumpirma ito sa Facebook ni Jose Abad Santos Mayor Jason John Joyce ngayong araw.

“Maraming mga post tungkol sa sakit na outbreak sa Brgy Butuan, JAS Davao Occidental. Kagagaling ko lamang mula sa ospital upang bisitahin ang mga pasyente at tinanong ko talaga ang doctor na naka-duty. Pagsusuka at pagtatae,” punto ng alkalde sa wikang Cebuano, sa isang paunawa sa publiko.

Aniya, may isa nang namatay habang nasa Tomas Lachica District Hospital at may dalawa pang hindi na-admit sa ospital pero nasawi rin.

Sabi ni Joyce, “Ang dahilan o kung saan nila nakuha ang sakit ay dahil sa tubig na iniinom nila.” Isang balon ang pinagkukunan ng tubig sa nasabing lugar.

Nilinaw din ng alkalde na hindi totoo na ang diarrhea outbreak ay dahil nalanghap ng mga residente ang diumano’y kontaminadong hangin mula sa Indonesia.

Samantala humingi ng tulong si Joyce sa madla upang makabili sila ng mga gamot para sa mga nagkasakit na residente.

The post 34 katao sa Davao Occidental town nagka-diarrhea first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/34-katao-sa-davao-occidental-town-nagka-diarrhea/)