Natuwa si Senador Bong Go sa parusang bitay na pinataw ng Kuwaiti court sa pumatay kay Pinay domestic worker Jeanelyn Villavende noong Disyembre 2019.

Habang sinasaad ang kaso ni Villavende, binanggit ng senador ang pangangailangan umano ng hiwalay na departamento para sa mga Overseas Pinoy na naglalayong pagsama-samahin ang mga ahensiya ng gobyerno na inaasikaso ang mga Pilipino abroad.

Kapag naisabatas aniya ang pagbuo ng Department of Overseas Filipino Workers o Dofil ay makakatulong ito sa pagsugpo sa mga isyu at abala na naranasan ng mga overseas Pinoy.

Magkakaloob din aniya ito ng mas mahusay na proteksyon para sa mga Pinoy abroad dahil isusulong nito ang streamlined coordination sa iba`t ibang mga opisyal at tanggapan na nakabase sa ibang bansa.

“[It is] about time that we create a Cabinet-level, secretary-led department with an organization structured to work together as one team to protect the rights and advance the interests and welfare of about ten percent of our population who reside abroad,” ayon sa senador.

“Kung in distress ang isang Pilipino abroad, kadalasan, hindi alam kung saan lalapit para humingi ng tulong. Minsan sa radyo, meron sa Facebook. Pero kung merong one country-team approach tayo, alam ng mga kababayan nating humihingi ng tulong kung saan pupunta. Hindi na sila mahihirapan pa.”

“Sila po ang tinuturing nating mga bagong bayani na naghihirap para lang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya at makatulong sa bansa. Huwag natin sila pabayaan. Gawin natin ang lahat para maisaayos ang serbisyo na dapat nilang nakukuha mula sa gobyerno,” dagdag niya.

Magugunitang namatay si Villavende noong Disyembre 28, 2019 sa kamay ng kanyang babaeng amo. Dahil dito, nagpatupad ang gobyerno ng total deployment ban ng mga Pinoy DH sa Kuwait, pero inalis na ito.

Taliwas sa pahayag ng Kuwaiti government na namatay si Villavende matapos ang trauma at mga pasa sa buong katawan, lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nawawala ang utak, puso, at ilang lamang loob ng Pinay.

Tinortyur at naging biktima rin ang Pinay DH ng sexual abuse, ayon pa sa NBI.

The post Department of OFW muling tinulak ni Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/department-of-ofw-muling-tinulak-ni-go/)