Pinagsabihan ni Healthy Secretary Francisco Duque III ang mga empleyado ng Philippine General Hospital (PGH) na huwag nang maging mapili sa mga COVID-19 vaccine na makukuha ng bansa.

“Wag lang po tayong mamimili kung anong bakuna. Because dito po, ang bakuna, basta’t dumaan po ito sa pagsusuri ng ating DOST vaccine expert panel, at matapos ang ating single joint review ethics board, at tapos ipapasa po yung listahan ng mga bakunang nasuri, ang FDA naman ang siyang magbibigay ng emergency use authorization,” ani Duque sa ginawang pagsisiyasat sa PGH kahapon.

Aniya, dadaan naman sa mga evaluation ang bakuna at sisiyasatin din ito ng Health Technology Advisory Council.

Kaugnay nito, gumawa ng liham si UP-PGH director Dr. Gerardo Legaspi para sa kanyang mga empleyado upang ipaliwanag ang gagawing proseso ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagpili ng bakuna.

“Sa huling parte ng sulat na ito, sinabi ko na tayo’y magtiwala sa bakunang aaprubahan ng FDA. Pagka ito’y in-approve ng FDA, safety and efficacy are already assured,” wika ni Legaspi.

Dagdag pa niya, wala namang dahilan upang mangamba sila sa aaprubahang bakuna ng FDA.

“I think we have committed to the fact that whatever comes out, we will take it as a vaccine for PGH,” sambit nito.

Tiniyak naman ni Duque na makakatanggap ng “unwavering support” ang naturang ospital dahil isa ito umano sa mga “best coronavirus referral hospitals“ sa bansa.

The post Duque sa mga frontliner ng PGH: Huwag na kayong choosy sa bakuna! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duque-sa-mga-frontliner-ng-pgh-huwag-na-kayong-choosy-sa-bakuna/)