Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Security Group (PSG) chief Brig. Gen. Jesus Durante III na huwag sumunod sa sandaling ipatawag siya ng mga mambabatas para humarap sa imbestigasyon kaugnay sa maagang pagpapabakuna kontra COVID-19 ng kanyang mga tauhan.

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, sinabihan ng Pangulo si Durante na manatili lamang sa kanilang barracks at huwag sumipot sa gagawing pagdinig ng Senado.

“I will tell Durante, do not obey the summons. I am ordering you to stay put in the barracks,” anang Pangulo.

Kinuwestiyon ng Presidente ang pakay ng imbestigasyon ng mga senador dahil hindi naman aniya puwedeng gawing batas ang vaccine.

“What is there in a legislation that you can make that has something go do with vaccine? You cannot legislate vaccine,” dagdag ng Pangulo.

Malinaw aniya na gusto lamang ng ilan na sirain ang career ng mga military official sa pamamagitan ng pag-iimbestiga pero hindi nito papayagan ang kapritso ng ilang senador.

Sinabi ni Pangulong Duterte na ayaw niya ng gulo subalit kung magpipilit ang ilang mambabatas ay pagbibigyan niya ang mga ito.

“I am not the grandstanding type na mag-ano. But do not, I said, force me to do something which is not good. Kung gusto nyo ng gulo, sige,” wika ng Pangulo.

Kabilang sa gigil na paharapin si Durante sa imbestigasyon sa senado ay ang opposition senators.

Hiniling naman ni Senador Richard Gordon na magbitiw sa puwesto ang PSG chief dahil sa hindi pagsunod umano sa panuntunan ng Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa paggamit ng bakuna.

The post Duterte kay Durante: Senado isnabin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-kay-durante-senado-isnabin/)