Sang-ayon umano si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang dagdag-kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) simula Enero 1 ngayong taon.

Handa rin daw ang Pangulo na magsabatas para sa pagpapaliban ng taas-singil sa mga PhilHealth member, o dagdagan ang pondo ng korporasyon.

“Base sa usapan namin ni Pangulong Duterte, sang-ayon naman po siya na ipagpaliban pansamantala muna ang pagtaas sa rates ng contributions ng PhilHealth habang may pandemya pa tayong kinakaharap,” ayon sa dating aide ni Duterte na si Sen. Bong Go kahapon.

“Subalit, alam rin ng Pangulo na kailangan ng batas para maisakatuparan ang deferment, at kailangan ring masigurong hindi maaapektuhan ang serbisyo ng PhilHealth sa taumbayan.”

“Sinabi niya na kung may maipapasang batas ang Lehislatibo na naglalayong ipatupad ang deferment, o kung may kailangang aprubahan na dagdag na pondo mula gobyerno para hindi maantala ang serbisyo ng PhilHealth, pipirmahan niya ito pagkatapos mapag-aralan ng mabuti,” punto niya pa.

Aakyat ang premium rate ng PhilHealth ngayong taon sa 3.5% mula 3% noong 2020.

Tinakda umano sa Universal Health Care Act ang minimal increase sa contribution rate nang 0.5 kada taon, mula 2021 hanggang 2025 kung kailan maaabot nito ang 5-percent limit, dagdag ng PhilHealth.

The post Duterte pabor awatin taas-kontribusyon ng PhilHealth first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-pabor-awatin-taas-kontribusyon-ng-philhealth/)