Umaasa si Cabinet Secretary Karlo Nograles na aatras si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kanyang pagbitiw sa puwesto bilang contact tracing czar ng bansa.

Kaugnay ito sa inihaing resignation ng alkalde kahapon bilang contact tracing czar dahil sa kinasangkutan niyang ‘maskless’ party sa Baguio City noong Enero 17.

Ani Nograles, ikinalulungkot nila ang pagbitiw sa puwesto ni Magalong ngunit nirerespeto nila ang desisyon niyang ito.

“Nakakalungkot para sa amin na nag-tender ng resignation si Mayor Magalong. Of course, nirerespeto namin mga prinsipyo na hinahawakan ni Mayor Magalong pero narinig ko po si Sec. [Carlito] Galvez na kakausapin niya muna si Mayor Magalong,” ani Nograles.

Sambit pa niya, nakita niya ang pagsisisi ng alkalde sa isyung kinasangkutan.

“Itong nangyari na insidente which si Mayor Magalong naman nakikita namin na malaki ang pagsisisi at paghingi ng paumanhin hindi lang sa amin, kung ‘di sa taumbayan din po, palagay ko naman po maunawaan at mabigyan natin ng chance si Mayor Magalong,” wika niya.

“Hindi pa kami nag-iisip ng kapalit. Ayoko pangunahan si President [Rodrigo] Duterte dito kung mayroon ba siyang iniisip dito o pampalit, but sa level po namin, ang alam ko po mag-uusap pa si Sec. Charlie Galvez at Mayor Magalong,” dagdag pa nito.

Aniya, hinihintay pa niya ang rekonsiderasyon ng alkalde hinggil sa kanyang resignation.

“Hihitayin namin hopefully ‘yung reconsideration ni Mayor Magalong.”

Kahapon nang ibinasura ng National Task Force Against COVID-19 ang resignation ni Magalong dahil naniniwala sila sa kapasidad ng alkalde bilang contact tracing czar ng bansa.

Giit ni Magalong, hindi na magbabago ang kanyang isip na bumaba sa naturang pwesto dahil kailangan niyang panagutan ang kanyang mga pagkukulang.

The post Nograles kay Magalong: Huwag ka na mag-resign! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nograles-kay-magalong-huwag-ka-na-mag-resign/)