Dapat umanong igalang ng Senado sa halip na panghimasukan ang isyung panseguridad na ibinibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng plano ng senado na imbestigahan ang Presidential Security Group (PSG) dahil sa paggamit umano ng smuggled na bakuna kontra COVID-19 para matiyak ang kaligtasan ng Pangulo laban sa mabagsik na virus.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagtataka siya kung bakit pakikialaman ng ilang senador ang Ehekutibo gayong hindi naman pinapakialaman ni Pangulong Duterte ang seguridad ng Senado.

“Hindi ko po maintindihan kung bakit panghihimasukan ng senado na co-equal branch of government ang seguridad ng Presidente eh gayong hindi naman pinanghihimasukan ng Presidente ang seguridad ng Senado,” ani Roque.

Nais ng ilang senador na imbestigahan at ipatawag ang liderato ng PSG para alamin kung paano nakapasok sa bansa ang ginamit na bakunang pangontra sa COVID-19 dahil wala pang inaaprubahan ang Food and Drugs Administration (FDA) na bakuna ng kahit na alinmang pharmaceutical companies para sa Pilipinas.

Pero sinabi ni Roque na para sa kaligtasan ng Presidente ang naging desisyon ng PSG kaya dapat aniyang igalang ito .

“Siguro po, mutual respect for co-equal branches of government,” dagdag ni Roque.

Iginiit ni Roque na walang nilabag na batas ang PSG sa kanilang pagpapabakuna dahil walang nagbenta at namahagi sa kanila ng vaccine.

The post Palasyo sa hirit ng Senado na imbestigahan PSG: Respeto lang! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-sa-hirit-ng-senado-na-imbestigahan-psg-respeto-lang/)