Nasigurado na ng Quezon City government ang 750,000 doses ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca para sa mga residente nito.

Martes, pumirma na si Mayor Joy Belmonte sa tripartite agreement ng lokal na pamahalaan, national government sa pamamagitan ng Department of Health at National Task Force Against COVID-19, at AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines para sa pagbili ng inisyal na doses ng COVID 19-vaccine para sa mga taga-QC.

Ito ang unang kilalang supply agreement ng bakuna na tiniyak ng isang lokal na gobyerno sa bansa.

Nasa 375,000 residente ng QC ang makikinabang sa bakuna ng British drugmaker na kailangan ng dalawang doses para maging epektibo.

Unang sinabi ng lokal na gobyerno na naglaan na sila ng paunang isang bilyong piso sa 2021 budget nito para sa pagbabakuna ng kanilang mga nasasakupan. Maaari pa itong dagdagan kung kailangan, ayon sa alkalde.

Binebenta ng AstraZeneca ang bakuna nito sa halagang halos P500 kada dose, ang pinakamurang bakuna na inaalok sa mga vaccine candidate na kinukunsidera ng ating bansa.

The post QC may tiyak nang 750K doses ng AstraZeneca vaccine first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/qc-may-tiyak-nang-750k-doses-ng-astrazeneca-vaccine/)