Maraming ospital sa bansa ang nag-report ng pinakamababang bilang ng mga sugatan dahil sa paputok nitong pagsalubong sa bagong taon.

Mula noong Disyembre 24, 2020 hanggang kaagahan ng Enero 1, 2021, limang firecracker injuries lamang ang naiulat sa East Ave. Medical Center (EAMC), na kinokonsidera nilang pinakamababa simula 2006.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Dr. Willie Saludares, ng emergency department and trauma center, na tatlong sugatan ay dahil sa kwitis habang karamihan naman ng bagong kaso ay nagkapinsala sa mga mata dahil sa piccolo.

Noong nakaraang taon ay 29 na kaso ng firecracker-related injuries ang naitala sa EAMC.

Samantala, sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center ay sampu ang nai-record na sugatan sa paputok hanggang nitong Jan. 1.

Kabilang sa mga sugatan, ani Dr. Wenceslao Llauderes, ay naputulan ng daliri.

Karamihan ay nasugatan dahil sa kwitis habang ang naputulan ng daliri ay matapos magpaputok ng “super tuna” firecracker, na ipinagbabawal na noong 2018 pa lamang.

Samantala, pinuri naman ni Amang Rodriguez Memorial Medical Center chief Dr. Imelda Mateo ang mababang kaso ng paputok injuries nitong 2021.

Nakapag-report lang ang ospital ng apat na sugatan sa paputok kumpara sa 38 noong nakaraang taon.

Ayon kay Department of Health Secretary Francisco Duque III, 85 porsiyentong mas mababa ang sugatan ngayong taon sa paputok kumpara sa tala noong 2020 na 340.

49 ang sugatan dahil sa paputok habang isa ang pumanaw sa ligaw na bala mula Disyembre 21, 2020 hanggang Enero 1, 2021

The post Sugatan sa pagsalubong sa 2021, record-low first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sugatan-sa-pagsalubong-sa-2021-record-low/)