Nakapagrehistro ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng 14 yugto ng volcanic tremor sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.

Isa hanggang apat na minuto ang tinagal ng mga pagyanig.

“Sa kabila nito, mayroon lamang mahinang pagsingaw mula sa mga fumaroles o gas vents sa Main Crater,” saad pa ng Phivolcs sa Pebrero 28 bulletin nito.

Pinaalalahanan ng Institute ang madla na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal.

Sa Alert Level 1 anila, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.

Kaya naman mariing iminumungkahi ng Phivolcs na “maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure.”

Hinihikayat din ng Institute ang mga lokal na gobyerno na “patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pagaalboroto ang bulkan.”

The post 14 pagyanig naitala sa Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/14-pagyanig-naitala-sa-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=14-pagyanig-naitala-sa-taal)