Sa kabuuang 1,917 kawani ng Dr. Jose N Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan na kwalipikadong mabakunahan kontra coronavirus, 180 lang ang nagsabing gusto nilang maturukan ng CoronaVac, ang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese drugmaker na Sinovac.

Ayon pa kay nurse Julie Anne Talimban-Soler ng DJNRMH, itong 180 ay kabilang sa 1,165 tauhan ng ospital na sumagot sa kanilang questionnaire hinggil sa turukan.

Ang mga ito aniya ang balak ng ospital na unang mabakunahan.

“Ang ike-cater po namin, ang 180 persons po. Kasi, before po, ang target namin, 300 per day. Siguro, i-priority po muna namin iyong 180 persons. And then, tuloy-tuloy pa rin po ang counseling namin for Sinovac, just in case may magbago ang isip,” wika ni Talimban-Soler sa ABS-CBN’s TeleRadyo, Linggo.

“Siguro, kung magkakaroon pa ng panahon for counseling, siguro mas mataas pa po ito.”

“Some of them kasi are still waiting po sa ibang vaccine, kasi ang inaasahan talaga namin nung una is si Pfizer,” paliwanag niya pa.

Nakatakdang dumating sa ‘Pinas ang unang batch ng CoronaVac doses mamayang hapon. Kung sakali, ito ang pinakaunang vaccine brand na lalapag sa bansa.

Inaasahan namang maideliber ang mga Sinovac vaccine sa DJNRMH bukas, Marso 1, alas-5 ng umaga.

Ang DJNRMH ang huling natitirang COVID-19 referral hospital para sa mga purely mild hanggang mga kritikal na kaso sa Metro Manila.

The post Caloocan hospital unang tuturukan mga OK sa CoronaVac first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/caloocan-hospital-unang-tuturukan-mga-ok-sa-coronavac/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=caloocan-hospital-unang-tuturukan-mga-ok-sa-coronavac)