Hinimok ni AnaKalusugan Rep. Mike Defensor ang mga opisyal ng Development Bank of the Philippines (DBP) na ipaliwanag kay Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang nangyari sa utang ng mga kompanya na may kaugnayan sa pamilya Lopez.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong araw (Martes), sinabi ni Defensor na kung walang iregularidad sa ginawang pagbebenta ng DBP sa utang ng mga kompanya ng pamilya Lopez sa mas murang halaga dapat sabihin nila ito sa Pangulo.

Sinabi ni DBP President and CEO Emmanuel Herbosa na pinapayagan noon ang pagbebenta ng pagkakautang kahit na walang certificate of eligibility mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Bakit hindi nyo po kausapin ang Presidente at ipaliwanag kung ganyan ang inyong paniniwala,” payo ni Defensor kay Herbosa.

Nagpasalamat naman si Herbosa sa guidance na ibinigay ni Defensor.

Batay sa mga datos na isinumite sa komite, nagkakahalaga ng P1.6 bilyon ang utang ng mga kompanya ng pamilya Lopez sa DBP.

Nang hindi na makabayad ang mga kompanyang ito, ibinenta ng DBP ang pagkakautang ng pamilya Lopez kasama ang iba pang utang ng mga kompanya na hindi nakakabayad na may kabuuang halagang P9.6 bilyon. Nabili ito ng Philippine Investment 1 at 2 sa halagang P6 bilyon.

Ang 1.66 bilyon na pagkakautang ng pamilya Lopez ay nabili ng Philippine investment 1 at 2, mga subsidiary sa bansa ng Lehman Brothers, sa halagang P1.069 bilyon.

Ang Philippine Investment 1 at 2 ay nakasigil sa mga kompanya ng pamilya Lopez ng halagang P1.25 bilyon.

Tanong ni Defensor sa DBP bakit kinailangan na ibenta ang pagkakautang ng mga kompanya ng pamilya Lopez dahil kung naghintay-hintay ito mababayaran naman ng mas malaki.

“Why would you sell, hindi naman masamang account to talaga totally,” ani Defensor.

Sagot naman ni DBP Vice President Romeo Aguilar noon ay naglilinis ng libro ang DBP kaya ibinenta nito ang P9 bilyong pagkakautang ng mga kompanya na hindi na nakababayad.

Itinatanggi ng DBP ang alegasyon na pinatawad o hindi na nito pinabayaran ang pagkakautang ng mga kompanya ng pamilya Lopez.

The post ‘DBP dapat kausapin si Duterte sa utang ng pamilya Lopez’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dbp-dapat-kausapin-si-duterte-sa-utang-ng-pamilya-lopez/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dbp-dapat-kausapin-si-duterte-sa-utang-ng-pamilya-lopez)