Pabor si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magkaroon ng face-to-face class sa mga lugar na walang problema ng coronavirus disease at maidedeklara ng school board na kakayanin na ito.

Ani Sotto, walang problema sa mayayamang estudyante ang distance learning kundi ang hikahos dito ay ang mga mahihirap na estudyante na umaasa lamang sa radyo at telebisyon dahil walang panggastos para sa internet at gadget na gagamitin.

“Ang mayayaman na estudyante walang problema sa distance learning, gusto pa nga ng mga magulang ‘yun kasi kaya nila ‘yun. Sa public school natin umaasa sa radyo at TV. Marami namang lugar na COVID-free, ‘yung mga lugar na ‘yun na dineklara ng school board dapat bukas na ‘yun,” sambit ni Sotto sa panayam sa DWIZ nitong Sabado.

Hindi naman siya sang-ayon na subukan lang muna ang face-to-face class kundi isagawa na ito sa mga lugar na wala nang kaso ng virus.

“Hindi ako palo na magkaroon muna ng pilot, pilot testing na ‘yun magiging successful dahil COVID-free, lahatin mo na ang COVID-free area,” aniya.

“Ang edukasyon ang kinabukasan natin eh, baka bumangon si [Jose] Rizal sa higaan niya, sasabihin niya, ‘sinabi ko na sa inyo sa kabataan ang pag-asa ng bayan’,” dagdag niya.

The post Distance learning pangmayaman lang – Sotto first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/distance-learning-pangmayaman-lang-sotto/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=distance-learning-pangmayaman-lang-sotto)