Nakatakdang magpabakuna sina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. Lunes ng umaga gamit ang Sinovac COVID-19 vaccine para mapalakas ang tiwala ng tao sa naturang bakuna ayon kay Senador Christopher “Bong” Go.

Kung maide-deliver ang 600,000 dosi Linggo ng hapon, magpapabakuna si Galez sa Philippine General Hospital habang si Duque naman ay sa East Avenue Medical Center o sa Lung Center of the Philippines.

Si testing czar at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at CEO Vince Dizon naman ay magpapabakuna sa Dr. Jose Rodriguez Memorial and Medical Center.

“Kahit hindi pa dumarating ang mga susunod na mga bakuna, mauna na sila. Ibig sabihin nagtiwala sila sa bakunang ito,” pahayag ni Go sa panayam sa DZBB.

“Mauuna na silang magpapabakuna para ipakita sa publiko na magtiwala tayo sa ating gobyerno at sa ginagawa ng gobyerno na tanging ang bakuna lang ang pag-asa,” dagdag nito.

Ayon pa kay Go, magpapaturok din umano si pangulong Rodrigo Duterte ng COVID-19 vaccine subalit depended aniya ito sa payo ng kanyang doktor lalo na’t kailangang isaalang-alang ang kanyang edad.

Nauna nang inirekomenda ang Sinovac sa mga may dad na 18 hanggang 59 anyos. Si Duterte ay magiging 76 anyos na sa Marso.

“Depende ‘yan sa kanyang doktor. Kapag sinabi niyang puwede ito, Sinovac, Sinopharm or AstraZeneca o Moderna, kung ano ang sinabi ng doktor sa kanya, ‘yun ang ituturok sa kanya,” sabi ni Go.

“Pero hindi na question kung magpapabakuna siya o hindi. Sure na magpapabakuna dahil kailangan ipakita ng Pangulo na dapat magpabakuna ang ating mga kababayan,” saad pa nito.

Bukod sa 600,000 dose ng Sinovac vaccine, darating na rin sa bansa Lunes ang 525,600 does ng COVID-19 vaccine na gawa ng AstraZeneca.

The post Duque, Galvez magpapaturok ng Sinovac vaccine sa Lunes – Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duque-galvez-magpapaturok-ng-sinovac-vaccine-sa-lunes-go/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duque-galvez-magpapaturok-ng-sinovac-vaccine-sa-lunes-go)