Inirekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan nang lumabas ang lima hanggang 70 taong gulang habang unti-unting nagluluwag ang bansa laban sa COVID-19.

Ito ang minungkahi ni National Economic and Develoment Authority (NEDA) Secretary General Karl Kendrick Chua kay Duterte sa regular na mensahe sa bayan ng huli.

Maaari aniyang gawin ito nang dahan-dahan sa loob ng limang taon habang sinusunod pa rin ang health protocols.

“This is subject po to our discussion with the NCR mayors is to gradually expand the age group allowed to go out. Ngayon po kasi 15 to 65 lang ‘yong puwedeng lumabas. Ang proposal po namin, i-gradual natin ‘yong pag-expand to aged five to 70. At puwede nating gawing dahan-dahan in increments of five years, also with appropriate safeguard,” ani Chua.

Pero binigyang-diin ng kalihim na maaari lamang lumabas ang mga kabataan kasama ang kanilang mga magulang, o kaya ay sa mga open area upang sa ganitong paraan ay makapagtrabaho ang kanilang mga magulang.

Sinabi ni Chua sa Pangulo na kailangang balansehin ang ekonomiya at pagkontrol sa COVID-19 dahil nakita naman aniya sa last quarter ng 2020 ay hindi umakyat ang COVID cases sa bansa.

“Hindi po naman natin sinasabi na ibukas lang natin ‘yong ekonomiya at huwag na nating pakialaman ‘yong COVID cases. Kailangan po natin both,” dagdag niya.

The post NEDA: Edad 5-70 payagang lumabas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/neda-edad-5-70-payagang-lumabas/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=neda-edad-5-70-payagang-lumabas)