Todo-asa ang Malacañang na masisimulan ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa unang linggo ng Marso matapos bigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang Sinovac.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na panghahawakan nila ang pahayag ng gobyerno ng China na maide-deliver sa loob ng tatlo hanggang limang araw ang mga bakuna sa bansa.

Kung wala aniyang magiging sagabal ay posibleng masimulan ang pagbabakuna sa unang linggo ng Marso.

“Yung counterparts sa China promised within 3-5 days ay kaya naman daw nila , barring any unforeseen circumstances. Umaasa pa rin tayo na sana within the month of February, kung hindi naman, possibly the first week of March,” ani Nograles.

Habang hinihintay aniya ang pagdating ng mga bakuna sa bansa, sinabi ni Nograles na magiging abala naman ang National Interim Immunization Tachnical Advisory Group (NITAG) sa pagtukoy ng mga dapat maging prayoridad sa Sinovac vaccine batay sa kanilang nasa listahan.

“In preparation and while waiting for the shipment to arrive ay tuloy tuloy yung pagtrabaho ng NITAG in terms of the prioritization list,”dagdag ni Nograles.

Batay sa NITAG list, uunahin ng gobyerno ang medical health workers at senior citizens na mabakunahan , subalit inihayag ng FDA na hindi nila inirerekomenda na gamitin ang Sinovac sa mga ito dahil sa mababang efficacy rate ng bakuna.

Dahil dito, pag-aaralan ng NITAG kung aling sektor ang paunahin dahil sa inilabas na rekomendasyon ng FDA.

The post Palasyo umaasang masimulan turukan sa Marso first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-umaasang-masimulan-turukan-sa-marso/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-umaasang-masimulan-turukan-sa-marso)