Dapat pagbutihin ng mga awtoridad ang mga polisiyang ginagamit sa operasyon laban sa ilegal na droga upang hindi na maulit ang madugong misencounter na nangyari sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang isa sa mga sistemang dapat na isagawa sa usapin ng ilegal na droga ay dapat na ang PDEA ang magsisilbing “overseer” sa operasyon kung saan nakatutok lamang ito sa intelihensiya habang ang pagsalakay o pagtimbog ay ipapaubaya na sa mga sinanay na tauhan ng PNP.

“We have to resolve the trust issue between the PNP and PDEA. But it would be better if the PDEA acted as overseer in anti-drug operations, and focus on intelligence-gathering, whether it is technical or human intelligence,” paliwanag ng dating PNP chief sa panayam sa kanya ng DZBB.

Ani Lacson, ang naturang sistema ay ginagamit na ng ibang bansang nagpapatupad ng seryosong kampanya laban sa ilegal na droga.

“In other countries, the output of intelligence work is shared with specially trained police units, with one or two PDEA operatives accompanying or ‘guiding’ the police force in the operation,” ani Lacson.

“That is the ideal situation where coordination is smooth and tight. The last thing we need is the reluctance of our agencies to work together because of what happened,” dagdag pa nito.

Sabi ni Lacson, isa aniyang halimbawa na binanggit ng mambabatas ay ang ginawa ng Estados Unidos kung saan, ang US Drug Enforcement Agency ang nagsilbing tagapangasiwa ng operasyon ng mga tauhan ng pulisya na sinanay para sugpuin ang ilegal na droga.

Sa ilalim ng kasalukuyang situwasyon, nakikita ni Lacson na ang pamahalaan at mga mambabatas ay higit na mabilis mag-isip ng paraan para masugpo ang droga at maunahan ang mga sindikatong nasa likod ng mga ito.

“Kailangan ng gobyerno, kaming mga policy makers, two to three steps ahead sa iniisip ng sindikato (We in the government must make sure we are two to three steps ahead of the syndicates),” sambit ng senador.

Suportado din ni Lacson ang Senate Bill 3 ni Senate President Vicente Sotto III, kung saan itatatag ang Presidential Drug Enforcement Authority bilang supervising agency, na magbubuo rin ng polisiya at stratehiya laban sa iligal na droga.

Sa panig naman ng mga may pananagutan sa madugong engkuwentro ng PDEA at PNP, sinabi ni Lacson Lacson na dapat ay sampahan ang mga ito ng mga kasong kriminal dahil sa maraming buhay na nalagas sa nabanggit ng pangyayari.

“Napakalungkot at hindi dapat maulit ang pangyayari,” ayon kay Lacson.

The post Para hindi maulit ang ‘misencounter’: Koordinasyon ng PNP, PDEA sa anti-drug ops klaruhin – Ping first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/para-hindi-maulit-ang-misencounter-koordinasyon-ng-pnp-pdea-sa-anti-drug-ops-klaruhin-ping/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=para-hindi-maulit-ang-misencounter-koordinasyon-ng-pnp-pdea-sa-anti-drug-ops-klaruhin-ping)