Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa kamakailan ang prangkisa para sa operasyon ng karera ng kabayo ng Hapi Jockey Club Inc., sa Batangas, Laguna at Cavite.

Sa ilalim ng House Bill 8753, akda nina House Committee on Legislative Franchises chairperson at Palawan Rep. Franz Alvarez at Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo ang mga karera ay pangangasiwaan ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM).

Ang Hapi Jockey Club ay maaaring magdaos ng karera ng dalawa o higit pang karera kada linggo na tutukuyin ng PHILRACOM, lahat ng Sabado, Linggo at mga pista opisyal ng taon maliban na lamang kung mayroong batas na magbabawal dito.

Maaari ring magsagawa ang Hapi Jockey Club ng karera sa bisperas ng isang pista opisyal simula alas-5:30 ng hapon pero limitado lamang ito sa limang araw kada taon.

Ang Games and Amusement Board (GAB) ay magtatalaga ng auditor at inspektor na magbabantay sa tayaan at hatian ng kita.

Ang kabuuang halaga ng taya ay hahatiin sa sumusunod:

– 82 porsyento para sa mga nanalo mananaya

– 8.5 porsyento bilang komisyon ng Hapi Jockey Club

– 8.5 porsyento para sa premyo ng nanalo sa karera at bonus ng mga hinete

– 0.5 porsyento sa PHILRACOM at

– 0.5 porsyento na itatabi ng GAB para Injury, Disability and Death compensation fund ng mga hinete at trainer.

The post Prangkisa ng Hapi Jockey Club umusad sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/prangkisa-ng-hapi-jockey-club-umusad-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=prangkisa-ng-hapi-jockey-club-umusad-sa-kamara)