Pinuri ni Senador Bong Go ang pag-isyu ni Pangulong Rodrigo Duterte na Executive Order No. 124 na naglalayong putulin ang pagtaas sa presyo ng baboy at manok sa pamamagitan ng pagpataw ng price ceiling para dito.

Ang price ceiling ay ipapatupad sa National Capital Region sa loob ng 60 araw.

“Huwag po natin hayaan na may mamamatay sa gutom. Kaya hinihikayat ko ang mga kasamahan ko sa gobyerno na gawan ng paraan at magtulungan para sa kapakanan ng mga Pilipinong hirap na hirap na talaga. Pagaanin natin ang kanilang pinapasan at huwag natin silang mas pahirapan pa,” sabi ni Go.

Sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act No. 7581 o Price Act, ang President, base sa rekomendasyon ng implementing agency tulad ng Department of Agriculture, ay maaring magpataw ng price ceiling sa ilang pangunahing bilihin sa panahon na nakakaranas ng pandemya ang bansa.

“Kinokomendahan ko po ang pag-issue ng Pangulo ng EO na ito upang itigil ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain. Kailangan natin itong solusyonan lalong-lalo na sa panahon ngayon na marami pong mga kababayan natin ang nawalan ng trabaho,”ayon kay Go.

“Wala na nga pambili ng pagkain ang mga kababayan natin, tataas pa ang presyo. Mas lalong mahihirapan ang ordinaryong Pilipino,”dagdag nito.

Sa ilalim ng EO, ang price ceiling ay mananatili sa loob ng 60 araw maliban na lang kung palawigin pa ni Duterte batay sa rekomendasyon ng DA.

The post Price cap sa presyong baboy, manok malaking tulong sa mamimili – Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/price-cap-sa-presyong-baboy-manok-malaking-tulong-sa-mamimili-go/)