Pinagtibay ng House Committee on Youth and Sports ang resolusyon na humihimok sa gobyerno na isama ang mga atleta na lalahok sa Tokyo Olympics sa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan kontra COVID-19 sa bansa.

Bukod sa mga lalahok sa Olympics na gaganapin sa Hulyo, kasama rin sa nais gawing prayoridad ang mga lalaban sa Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam sa Nobyembre.

Nais ng House Resolution 1507 na akda ni Deputy Speaker at 1-Pacman Rep. Mikee Romero na ideklarang frontliners ang mga piling atleta upang maunang mabakunahan ang mga ito at makapaghanda sa kanilang papalapit na laban.

Ayon kay Romero ang mga manlalaro ay kailangang lumahok sa mga kompetisyon sa Abril at Mayo para mag-qualify sa Olympics at SEAG.

Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) chairperson William Ramirez na sumulat na rin ang ahensya sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para sa kaparehong hiling.

Ayon kay Ramirez apat na atletang Pilipino na ang kuwalipikadong maglaro sa Olympics at mahigit 100 ang posibleng mag-qualify.

The post Resolusyon para unahin sa bakuna ang mga atleta, pinagtibay first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/resolusyon-para-unahin-sa-bakuna-ang-mga-atleta-pinagtibay/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=resolusyon-para-unahin-sa-bakuna-ang-mga-atleta-pinagtibay)