Hinikayat ni Senate President Vicente Sotto III ang madla na sabihin sa vaccinator ang mga iniinom nilang gamot bago magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Ito aniya ay upang matukoy kung anong vaccine brand ang babagay sa tuturukan.

“Kailangan magpabakuna tayo. Pero bago ka magpabakuna, sabihin mo sa doktor lahat ng [gamot] mo,” ani Sotto sa isang panayam, Linggo.

“Umiinom ako ng ganito, sasabihin sa’yo kung bagay o hindi. Hindi ka naman babakunahan kung alam na meron kang hindi babagayan,” dagdag niya.

Ayon sa mambabatas, ang mabibigyan lang ng indemnity fund ay iyong mga makararanas ng malubhang adverse effects matapos mabakunahan kontra coronavirus.

“Nakalagay sa batas, death or permanent disability or serious adverse effects na kailangan ng hospital confinement. Hindi pwedeng nilagnat ka o medyo masakit ‘yung katawan mo, hindi pwede ‘yun,” punto niya.

“Na-ospital because of serious adverse effects. Kasi kung na-ospital ka pero nakita sa ospital at nakita na ibang dahilan bakit ka na-ospital, hindi kasama ‘yun,” lahad niya pa.

Inaasahang darating sa Pilipinas ang 600,000 doses ng Sinovac bakuna mamayang hapon.

The post Sotto: Bago magpabakuna, ilantad lahat ng gamot mo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sotto-bago-magpabakuna-ilantad-lahat-ng-gamot-mo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sotto-bago-magpabakuna-ilantad-lahat-ng-gamot-mo)