Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, naitala ang 102 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal mula Lunes ng umaga.

Kabilang dito ang 87 volcanic tremors na tumagal nang mula isa hanggang walong minuto, saad pa ng Phivolcs sa kanilang 8 a.m. bulletin, Marso 23.

Naitala rin ang mahinang pagsingaw na umabot sa limang metro ang taas, ang pagbuga ng sulfur dioxide, at ang marahan at patuloy na pamamaga ng kalakhang Taal.

“Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa ‘di kalalimang bahagi ng bulkan,” dagdag ng ahensya.

Paalala ng Phivolcs, kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Taal Volcano.

Sa nasabing alert status, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure,” ayon sa ahensiya.

“Ang mga lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan,” saad pa nila.

The post 102 lindol umuga sa Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/102-lindol-umuga-sa-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=102-lindol-umuga-sa-taal)