Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tugunan ang tinatawag na energy poverty o ang kakulangan ng access sa kuryente sa rehiyon.

Ito’y kasunod ng datos ng National Electrification Administration (NEA) noong Disyembre 2020 na 106,491 na pamilya o 29.99% ang wala pa ring kuryente sa kabuuang 355,042 pamilya. Ibig sabihin, 284,551 na kabahayan pa lamang ang mayroong kuryente sa lugar.

“Habang patuloy na banta sa ating kalusugan ang COVID-19, kailangan pa rin ang matibay na programa sa pagkakaroon ng access sa elektrisidad para sa ating mga kababayan sa BARMM,” pahayag ni Gatchalian.

“Ang kahirapan ay hindi lamang nangangahulugan ng pinansyal na kakulangan. Ang energy poverty o kahirapan sa pagkakaroon ng sapat na kuryente ay kasing halaga din nito at hindi dapat mapag-iwanan ang BARMM,” dagdag nito.

Nauna nang ibinubyag ng mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa isang pagdinig sa Senado na problema pa rin nila hanggang ngayon ang mahinang internet connection at hindi sapat na suplay ng kuryente, dahilan kung bakit hirap sila sa rehiyon na magsagawa ng online consultations at meetings.

Ito’y dahil nasa gitna sila ngayon ng deliberasyon kung ipagpapaliban ba ang BARMM elections na nakatakda sa susunod na taon at sa halip ay isagawa na lamang ito sa 2025.

Kapag nangyari kasi ito, mapapalawig pa ang termino ng BTA bilang interim government ng tatlo pang taon.

Kaya importante, ani Gatchalian, na pagtuunan ng pansin ang kakulangan ng suplay ng elektrisidad at palpak na internet connection upang maisaayos ang reorganisasyon ng kanilang burukrasya.

“Dahil apektado tayong lahat ng pandemya, hindi dapat dahilan ang problema sa kuryente at internet para hindi na natin magawa ang trabaho natin,” ani Gatchalian, chairman ng Senate committee on energy

“Kung kami nga sa senado tuloy-tuloy pa rin ang trabaho sa pamamagitan ng virtual meetings at hearings. Kaya dapat na sa lalong madaling panahon ay maayos na nila ang mga problemang ganito,” sambit pa nito.

The post ‘106K pamilya sa BARMM walang kuryente’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/106k-pamilya-sa-barmm-walang-kuryente1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=106k-pamilya-sa-barmm-walang-kuryente1)