Umabot sa 137 katao na nakasama sa unang bugso ng vaccine rollout sa Pilipinas ang nagkaroon ng seryosong side effect, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).

Ito’y sa kabuuang 240,000 Pinoy na nabakunahan na sa loob ng bansa.

Ayon kay FDA director-general Rolando Domingo, 83 na nabakunahan ng CoronaVac vaccine mula Sinovac ang nagkaroon ng matinding side effect.

Samantalang umabot naman sa 54 katao ang nakaranas ng seryosong sintomas matapos mabakunahan ng AstraZeneca.

Para masabing seryoso ang side effect na nadama ng isang tao, nilahad ni Domingo na dapat pasok ito sa kanilang criteria tulad ng pagka-ospital, significant disability/incapacity, agaw-buhay na sitwasyon at birth defect.

Isa namang health worker ang nasawi matapos nitong mabakunahan ng bakuna mula sa Sinovac.

Ngunit pinaliwanag ni National Adverse Events Following Immunization Committee member Dr. Rommel Lobo na sa COVID-19 mismo namatay ang frontliner at hindi dahil sa bakuna.

The post 137 Pinoy nakaranas ng matinding side effect sa bakuna – FDA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/137-pinoy-nakaranas-ng-matinding-side-effect-sa-bakuna-fda/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=137-pinoy-nakaranas-ng-matinding-side-effect-sa-bakuna-fda)