Sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, umuga ang 252 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal.

Kabilang anila rito ang 17 yugto ng volcanic tremor na tumagal nang mula isa hanggang apat na minuto, at limang “hybrid events.”

Nagkaroon din ng katamtamang pagsingaw sa main crater na umabot sa 10 metro ang taas, saad pa ng Phivolcs sa Marso 15 bulletin nito.

Pinaalalahanan ng ahensiya ang madla na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal.

Sa Alert Level 2, maaaring biglaang maganap at manalasa ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas sa mga paligid ng Taal Volcano Island (TVI).

Kaya naman mariing iminumungkahi ng Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure.

Hinikayat din nila ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang inilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan.

The post 252 lindol naitala sa Bulkang Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/252-lindol-naitala-sa-bulkang-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=252-lindol-naitala-sa-bulkang-taal)