Sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, umuga ang 259 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal.

Kabilang anila rito ang 236 volcanic tremors na tumagal nang mula isa hanggang 22 minuto, at apat na hybrid earthquakes.

Saad pa ng Phivolcs sa Marso 24 bulletin nito, nagkaroon din ng mahinang pagsingaw na umabot sa 10 metro ang taas, pagbuga ng sulfur dioxide, at marahan at patuloy na pamamaga sa naturang bulkan.

Pinaalalahanan ng ahensiya ang madla na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Taal Volcano.

Sa Alert Level 2, maaaring biglaang maganap at manalasa ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas sa mga paligid ng Taal Volcano Island (TVI).

Kaya naman mariing iminumungkahi ng Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI na siyang permanent danger zone ng Bulkang Taal, at na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang inilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan.

The post 259 lindol naitala sa Bulkang Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/259-lindol-naitala-sa-bulkang-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=259-lindol-naitala-sa-bulkang-taal)