SDC

Umuga ang 55 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Kabilang anila rito ang 44 volcanic tremors na tumagal nang mula dalawa hanggang limang minuto, at isang mahinang background tremor na nag-umpisa nang alas-7 ng gabi, Marso 16.

“Samantala, mahinang pagsingaw, na may taas na 50 metro, mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa Main Crater,” saad ng Phivolcs sa Marso 17 bulletin nito.

Ang sukat anila ng ground deformation ng bulkan ay nagsasaad ng marahan at patuloy na pamamaga ng kalakhang Taal magmula pa nang sumabog ito noong Enero 2020.

“Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa ‘di kalalimang bahagi ng bulkan,” dagdag ng ahensiya.

Pinaalalahanan ng Phivolcs ang madla na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal.

“Sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI,” saad pa nila.

The post 55 lindol naitala sa Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/55-lindol-naitala-sa-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=55-lindol-naitala-sa-taal)