Sa nakalipas na 24 oras ay umuga ang 74 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Kabilang anila rito ang 46 volcanic tremors na tumagal nang isa hanggang apat na minuto.

“Samantala, mahinang pagsingaw, na may taas na 10 metro, mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa Main Crater,” saad ng Phivolcs sa Marso 14 bulletin nito.

Ang sukat anila ng ground deformation ng bulkan ay nagsasaad ng marahan at patuloy na pamamaga ng kalakhang Taal magmula pa nang sumabog ito noong Enero 2020.

“Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa ‘di kalalimang bahagi ng bulkan,” dagdag ng ahensiya.

Pinaalalahanan ng ahensiya ang madla na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal.

“Sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.”

The post 74 lindol naitala sa Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/74-lindol-naitala-sa-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=74-lindol-naitala-sa-taal)