Pinabatid ngayong Huwebes ng umaga na inangat ang alerto sa Bulkang Pinatubo sa Gitnang Luzon mula Alert Level 0 patungong Alert Level 1 bunsod ng paulit-ulit na paglindol doon.

Ibig sabihin, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mula sa “tahimik” na kondisyon ay “may bahagyang pagligalig” na ang naturang bulkan.

“Ito ay nangangahulugang mayroong bahagyang pagligalig na maaring dulot ng tectonic na kaganapan sa ilalim ng bulkan at hindi naman namamataan ang pagputok nito sa nalalapit na panahon,” saad pa ng Phivolcs sa kanilang 7 AM bulletin ngayong Marso 4, 2021.

Ayon sa Institute, mula Enero 20, humigi’t kumulang 1,722 mahihinang lindol ang naitala sa ilalim ng Pinatubo.

Ang unang kumpol ng mga lindol anila ay naganap mula Enero 20 hanggang 26, may lalim na mula 15 hanggang 28 kilometro, at may lakas na mula magnitude 1.0 hanggang 2.5.

Nasundan anila ito ng isa pang kumpol ng mga lindol na may lalim na mula 15 hanggang 25 kilometro at may lakas na magnitude 0.5 hanggang 2.8.

“Lahat ng naitalang lindol sa ngayon ay nilikha ng pagbitak ng bato sa ilalim ng bulkan,” batay sa Phivolcs.

Dapat anilang matinding mag-ingat at iwasan hangga’t maaari ang pagpasok sa Pinatubo Crater.

“Ang mga pamayanan at lokal na pamahalaan sa paligid ng Pinatubo ay pinaaalahanan na laging maging handa laban sa mga panganib ng lindol at pagputok ng bulkan at muling suriin, ihanda at pagtibayin ang kanilang contingency, emergency at iba pang planong paghahanda laban sa sakuna,” paalala pa ng Institute.

Huling sumabog ang Pinatubo noong Hunyo 1991, at tinuring ito ng U.S. Geological Survey bilang “second-largest volcanic eruption” ng ika-20 siglo.

The post Alert Level 1 tinaas sa Pinatubo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/alert-level-1-tinaas-sa-pinatubo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=alert-level-1-tinaas-sa-pinatubo)