Sisimulan agad ng gobyerno ang rollout ng AstraZeneca vaccines sa sandaling maisumite ng interim National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) sa Department of Health (DOH) ang kanilang rekomendasyon para sa nabanggit na bakuna.

Sinabi ni National Task Force for Covid-19 at vaccine czar Secretary Carlito Galvez na batay sa timeline ng Task Force, pagsasabayin na ang paggamit ng Sinovac at AstraZeneca para mas maraming mga Pilipino ang mababakunahan at mabibigyan ng proteksiyon laban sa peligro ng COVID-19.

“Yung rollout ng Astrazeneca palagay ko ngayong Biyernes once na yung recommendation ng NITAG ay nai-submit na kay Secretary Duque, magsimula tayo agad immediately,” ani Galvez.

Sinabi ng kalihim na tatapusin nila ang deployment ng Sinovac sa loob ng pito hanggang sampung araw at pagsasabayin na ang rollout ng AstraZeneca para mas mabilis ang mabibigyan ng bakuna.

“Pagsasabayin po namin yan, at talagang simultaneously po yan. Kung maibigay agad ang listahan, mai-roll out agad yung AstraZeneca,” dagdag ni Galvez.

Nagbigay na aniya ng guidance ang NITAG at inirekomendang ibigay ang AstraZeneca sa mga senior medical health workers.

The post AstraZeneca bakuna ilalarga agad – Galvez first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/astrazeneca-bakuna-ilalarga-agad-galvez/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=astrazeneca-bakuna-ilalarga-agad-galvez)