Dapat maabot ng internet ang bawat barangay at mag-aaral upang mawakasan ang “digital divide” sa bansa.

Ayon ito kay Senador Win Gatchalian matapos umakyat ang ranggo ng Pilipinas mula 111 patungong 86 sa Speedtest Global Index ng Ookla.

Dahil karamihan ng mga barangay ay may pampublikong paaralan, iminungkahi ni Gatchalian ang pagpapatayo ng cell site sa mga paaralang ito upang matiyak na konektado sa internet ang bawat barangay.

Sa isang pandinig sa Senado noong Nobyembre, iniulat ng Department of Education (DepEd) na sa mahigit dalawampu’t dalawang (22) milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, halos apat (3.6) na milyon lamang ang konektado sa internet at halos dalawang (1.9) milyon ang may sarili nilang laptop.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, may oportunidad ang bansa na mabigyan ng internet ang bawat Pilipino.

Ito ay dahil sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Republic Act 11494) o Bayanihan 2, suspendido sa loob ng tatlong taon ang ilang mga requirements sa pagpapatayo ng cell towers, maliban sa building permit.

Balak ding maghain ni Gatchalian ng panukalang batas upang bigyan ng internet allowance at libreng laptop ang bawat mag-aaral.

Sa pag-aaral ng Center for Educational Measurement, halos animnapung (60) porsyento ng mga mag-aaral na lumahok sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang walang access sa mga computer at internet.

Dagdag ng grupo, mas mataas na porsyento ng mga mag-aaral na nakakuha ng mababang marka sa PISA ang walang computer o internet sa kanilang mga tahanan.

The post Bawat barangay, paaralan lagyan ng libreng internet – Win first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bawat-barangay-paaralan-lagyan-ng-libreng-internet-win/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bawat-barangay-paaralan-lagyan-ng-libreng-internet-win)