Kumambiyo ang Simbahang Katolika sa unang pahayag na magbubukas sila ng mga simbahan hanggang sa Holy Week sa kabila ng pagbabawal muna sa loob ng dalawang linggo kaugnay sa ipinatupad na NCR Plus bubble dahil sa pagtaas ng COVID case.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakausap ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at nangakong susunod sila sa resolusyong inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa limitadong bilang ng mga taong papasok lamang sa simbahan at iba lang religious activities.

“Nag-text si Secretary Guevarra na siyang in-charge sa religious groups, hindi raw po magbubukas ang mga simbahan,” ani Roque.

Matatandaang nagsalita ang MalacaƱang na posibleng ipasara ang mga simbahan kung hindi susunod sa IATF resolution, alinsunod sa pastoral message ni Manila Archbishop Broderick Pabillo na magbubukas sila ng hanggang 10% capacity at gagawin pa rin ang mga nakagawiang seremonya sa Holy Week.

Sinabi ni Roque na iisang obispo lamang ang nagsalitang hindi susunod sa IATF pero mismong ang CBCP ang nagbigay ng katiyakan kay Guevarra na susunod sila sa ipinaiiral na paghihigpit para mabawasan ang mga nagkakasakit sa COVID-19 at para matiyak ang kaligtasan ng mga debotong Katoliko.

“Nagkaroon po ng kalinawan matapos makipag-usap doon mismo sa organisasyon ng Simbahang Katolika at hindi lang isang obispo, susunod daw po sila sa resolution ng IATF,” dagdag ni Roque.

Sa loob ng dalawang linggong nasa NCR Plus bubble, hindi muna papayagan ang mass at religious activities kung saan sampu katao lamang ang papayagan na dumalo sa misa, binyag at libing, at hinikayat ang mga simbahan na magmisa na muna online habang malakas pa ang peligro ng COVID-19 sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

The post CBCP sunod sa IATF, mga simbahan sarado sa Semana Santa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/cbcp-sunod-sa-iatf-mga-simbahan-sarado-sa-semana-santa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=cbcp-sunod-sa-iatf-mga-simbahan-sarado-sa-semana-santa)