Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Labor and Employment at Employees Compensation Commission (ECC) na ideklara ang COVID-19 bilang occupational disease para payagan ang mga manggagawa na nahawa sa sakit na makakuha ng insurance at iba pang benepisyo.

“Dapat nang aksyunan ng gobyerno ang panawagan na gawing ‘occupational disease’ ang COVID-19 to ensure that the workers who will contract the disease while at work or in transit will be compensated under the national policy for employment injury benefits,” pahayag ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, ang pagdagdag ng COVID-19 sa listahan ng work-related disease ay magbibigay sa mga manggagawa ng medical benefits, compensation par sa nawalang kita at maging funeral service sakaling mamatay ito mula sa sakit.

Napahalaga aniya nito sa panahong ito lalo na’t tumataas ang kaso ng Covid-19 sa bansa.

“Pinabalik ang manggagawa sa trabaho pero kulang na kulang ang pag-aalagang ibinibigay ng gobyerno,” sabi ni Hontiveros.

“Huwag natin silang tratuhing parang imortal. Hindi curfew o checkpoints ang kailangang kundi garantisadong proteksyon sakaling mahagip o tamaan sila ng virus,” dagdag pa nito.

Kahit na wala namang infection sa lugar ng pinagtatrabahuhan, maari pa ring mahawahan ng virus ang mga ito habang nagbibibiyahe patungo sa pinapasukan.

“Hindi na dapat maging burden pa ng empleyado na patunayang nakuha niya ang virus sa kanyang trabaho. Dahil ang mismong pag-byahe ng mga manggagawa mula sa bahay papasok ng trabaho sakay ng mga pampublikong sasakyan ay work-related sacrifice na ginagawa na ng mga manggagawa,” ani Hontiveros.

“Hindi pa huli ang lahat para ituwid ang pagkakamali. Huwag lang puro lip service ang ‘excellent’ performance. Kung magpapatuloy ito, itinutulak lang ang mga manggagawa sa bingit ng walang-katapusang pangamba, sakripisyo at pagkagutom,” dagdag pa nito.

The post COVID-19 ideklarang occupational disease – Hontiveros first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/covid-19-ideklarang-occupational-disease-hontiveros/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=covid-19-ideklarang-occupational-disease-hontiveros)