Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihatid ang COVID vaccines sa mga squatter’s area sa pamamagitan ng mobile vaccination para mas madaling mabakunahan ang mga pinaka-mahihirap na pamilyang walang kakayahang magpunta sa mga vaccination center.

Sa kanyang lingguhang ‘Talk to the People’, sinabi ng Pangulo na pinag-iisipan niyang ilapit sa mga mahihirap ang mga bakuna para walang dahilan na hindi makapagpaturok ang mga may hindi maiwanan sa mga bahay gaya ng mga nanay na nag-aalaga ng mga anak.

“We are thinking of going mobile, you just wait because ang order ko ngayon is for the team to give you the vaccine while travelling,” anang Pangulo.

Gagamitin aniya ang lahat ng government assets para masigurong mabakunahan ang lahat ng dapat bakunahan at walang maiwanang mga Pilipino.

Gayonman, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na malaking hamon ang planong ito ni Pangulong Duterte dahil kailangan ang maraming manpower para magmonitor sa posibleng side effect sa mga nabigyan ng COVID vaccine.

Sinabi ng kalihim na nakahanda na ang mga ospital at vaccination sites at meron ng assignment kung saan babakunahan ang publiko, gaya ng mga botante na mayroon ng nakatalagang voting precinct kung saan sila boboto.

“Nakaplano na lahat Mr. President, execution na lang po. Para hong Comelec na mayroon ng precinct, parang voting precincts, doon na lang sila pupunta, may listahan na po doon lahat ng mga pangalan nila,” ani Duque.

Nakumbinsi naman si Pangulong Duterte sa paliwanag ni Duque at nagkasundong maglaan na lamang ng transportasyon para sa mga mahihirap para makarating sa vaccination center.

Mahigpit ang bilin ng Presidente sa DOH na tiyakin ang integridad ng mga bakuna at hindi makompromiso para hindi masayang ang mga ito.

“Just make sure that I said the integrity of the vaccine is not compromised. Baka ma-mishandle, misplace, mismanage nung team, then there’s always the danger that the vaccine given will be put to a naught,” dagdag ng Pangulo.

The post COVID bakuna ilalapit ni Duterte sa mga iskwater first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/covid-bakuna-ilalapit-ni-duterte-sa-mga-iskwater/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=covid-bakuna-ilalapit-ni-duterte-sa-mga-iskwater)