75 porsiyento ng mga bagong dating na COVID-19 vaccines ang ilalaan para sa mga prayoridad na maturukan sa NCR Plus.

Ayon ito kay Department of Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje, Linggo.

“May bagong dumating na 400,000 (doses) ng Sinovac galing sa China nung March 24. Naka-deploy na ang karamihan ngayon. Nagi-start na kasi nga nag-decide na dahil hotspot ngayon ang (Metro) Manila at ‘NCR Plus’ bubble, medyo iko-concentrate ang pagbabakuna sa NCR,” ani Cabotaje habang pinupunto na tuloy pa rin ang pagbabakuna kahit pa epektibo na bukas, Marso 29, ang lockdown sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

“So ang ginawa natin, nag-reallocate tayo sa 75% ng 400,000 to about 300,000 (doses) ng vaccines mapupunta sa NCR, sa Region 3, specifically in Bulacan at sa Region 4A,” lahad niya.

Ang natitira aniyang doses ay ipamamahagi sa mga healthcare worker sa Cordillera, Cebu, Davao at Region 6.

Samantala, 75% ng nasa 1 milyong AstraZeneca vaccine doses ang ibibigay rin sa NCR Plus.

“‘Yung 1 million din sinuggest at ni-recommend ng IATF at approved ng Presidente… na 75% din maiiwan sa NCR Plus bubble para may proteksyon ang health worker at mga mamamayan,” dagdag ni Cabotaje.

Mula Marso 29 hanggang Abril 4, isasailalim ang NCR Plus o ang Greater Manila Area sa enhanced community quarantine, ang pinakamahigpit na quarantine classification sa ‘Pinas mula nang magsimula ang pandemya.

The post Covid bakuna itututok sa NCR Plus – DOH first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/covid-bakuna-itututok-sa-ncr-plus-doh/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=covid-bakuna-itututok-sa-ncr-plus-doh)